An Asian-Canadian's traveling saga & literary tidbit
Life's contentment is not about sitting around in one's familiar place, but rather it is realized from far-flung places away from it. Traveling is my ultimate life's saga.

'Twas the night before Christmas - poor man's parody (Pilipino / Tagalog short story)


“ ‘Twas the night before Christmas, when all through the house, not a creature was stirring, not even a mouse…”

Bisperas ng Pasko. Sa munting karitong-bahay na iyon ay pawang katahimikan ang bumabalot; walang tahol ng aso at ni sagitsit ng tsinelas sa kalye…

Kalahating oras na lang bago mag-Noche Buena, tahimik na nakahiga dahil sa gutom sa karitong-bahay si Jessa at ang tatlong-taong anak nitong si Jet.

Bagamat may sinag ng ilaw sa poste na tumatagos sa mga kartong dingding na pinagsapin-sapin, madilim at malamig pa rin ang gabi sa bandang ang iyon ng Roxas bolibard. Sa mga sandaling iyon ay tila nahinto ang paggalaw ng orasan at ikot ng mundo sa mag-ina: naubos na ang mga nagsasalisihang sasakyan na kanina ay panay ang harurot; ‘yung mga nagpapasyal, mukhang nagsiuwi na; kahit yung gumagalang mga gard sa parke, at ang mga pagala-galang asong askal ay di mamataan ng gabing iyon. Ang malamig na simoy na hangin lang at ilaw sa poste ang dumadamay sa kanila sa sandaling yon.

“Ma, sakit ng tyan ko,” impit na sabi ni Jet sa ina. “Di ba sabi mo darating na si Papa at kakain tayo ng prayd tsiken dahil Pasko na mamaya?” tanong ni Jet sa ina habang hinihila nito ang kupas na manggas ng ina.

“Darating na si Papa mo, Jet!” sabay haplos nito sa noo ng kaniyang bunso habang inilabas niya ang kanyang ulo sa kariton at tinanaw ang kanlurang bahagi ng kayle upang tanawin ang pagdating ni Jesse na kanyang asawa. Naalala niya, kanina pa pala silang alas-diyes ng umaga nag-“altanghap” matapos na silang mag-asawa ay namulot ng redyekted na diyaryo malapit sa may printing pres, at ito ay kanilang ipinakilo sa bentahan ng garapa.

Sa bente-singko pesos na napagbilhan, napagkasya nila ang isang serbing ng lutong kanin na nilunod sa sabaw ng nilagang walang karne ng baka. Yung natirang walong piso, ikinumpleto nila sa pagbili ng inihaw na isaw upang magsilbing ulam sa kanilang “altanghap”. Kung gutom na si Jet ay ganun din siya, pero ayaw niya itong iparamdam sa anak dahil kailangan niyang maging matibay. Yung babol gam na itinatago-tago para paglibangan ni Jet ay ubos na rin.

Mag-aala una na ng naaaninag niya si Jesse na dumarating. Hinawi niya ang tabing na karton sa kaniyang uluhan at inayos ang higa ng natutulog na si Jet. “Anong nangyari sa iyo?,” tanong na may halong pagkainis at pag-aalala ni Jessa sa asawa. “Kanina ka pa hinihintay ng anak mo at panay ang tanong sa prayd tsiken…”

“Nahirapan akong maka-ekstra dahil wala ng dumating ng deliberi ng gulay galing sa Baguio. Pasko na kasi at isa pa’y binagyo sa Ilocos kaya daw madalang ang baba ng gulay,” ang malumanay na sagot ni Jesse habang inaabot ang supot ng kalahating Andok at pansit sa asawa. “Nakasingit na nga lang akong magkarga ng mga pinamili ng mga humahabol na mamamakyaw!” Alam ni Jesseng hindi interesado si Jessa sa mga huling sinabi niya, pero sapul ganoon siya, madetalye.

Kargador at pahinanteng pa ekstra-ekstra si Jesse doon sa may Baclaran, pero sa hirap ng buhay at sa dami ng nagpapahinante, minsan ay halos singkuwenta pesos lang ang naiiuwi nito. Kaya nga madalas - makakain lang sila sa kahit isang beses sa maghapon, madaling-araw pa ay itinutulak na nilang mag-asawa ang kanilang karitong-bahay sa may printing pres upang mag-abang ng panapong diyaryo at saka nila ipinakikilo.

“Yang anak mo wala na lang binanggit umpisa kaninang umalis ka kundi ang iuuwi mong manok. Sabi niya sana laging Pasko para makakain siya non. Ayan, nakatulog na panay ang nguya sa kanyang babol gam! Panay nga ang kulit sa akin!”

Di sanasadya ay sumagot si Jesse na may himutok at katumbas na hangad tulad ng kanyang anak, “Sana nga araw-araw lagi ding me okasyon tulad ng Pasko para naman malaki-laki ang kita ko at hindi lang kape at altanghap ang kinakain natin at madala naman kita sa doktor para gumaling na yang sakit mo sa baga,” Pagkahugot ng malalim na hinga, dugtong niya, “Pati na rin makaipon tayo ng pamasahe pag-uwi sa probinsiya!”

Alam ni Jesse na higit pa sa pagkakargador ang kailangan niya para mangyari ang nais niya, ngunit talagang napakahirap na ng buhay. Yung iniipon-ipon niyang pamasahe sa barko para umuwi na lang sila sa probinsiya ay naubos na noon pang Oktubre dahil sa mahal ng gamot ni Jessa. Isang buwan na ang kanyang asawa ng huli itong nakainom ng gamot, kaya yung ubo niya mas malala na ngayon. Payat na rin si Jessa. Yung pagkawala niya ng trabaho sa konstraksyon nung isang taon ang siyang dahilan kaya sila na deley sa upa at napalayas sa barung-barung nilang nirerentahan. Kaya ngayon nagkasya na lamang siyang gumawa ng kariton para sa kanyang mag-ina, at napipilitang magpalipat-lipat ng lugar kung hinahagad sila ng MMDA.

Matiyaga si Jesse, ngunit alam ni Jessa mas malakas ang loob niya dito, kaya matapos niyang ilagay sa plastik na mangko ang pansit at inihaw na manok (ke Jet basta manok, prayd tsiken ito sa kanya), may lambing na isinampay niya, inikot at pinaghugpong ang kanyang mga kamay sa asawa na nakatalikod sa kanya, sabay bulong, “Me awa ang Diyos…”

Alam ni Jessa na ganoon din ang nasa puso at paniniwala niya, ngunit wala na siyang maidugtong para ibsan ang himutok ng asawa. Dahil siya man minsan ay nagtatanong din.

Muli katahimikan. Magkadikit sila at nakatanaw sa malayo. Tila parehong nag-aapuhap at naghahanap ng pag-asa ng kung mahahawakan lang ito ay hinablot na nila. Ngunit ang pag-asa, alam nila ay hindi tulad ng isang bagay na nahahawakan kundi ito ay nasa puso at pananalig. At gaano man sila kawawa sa mata ng tao ay hindi sapat upang sukatin ang kanilang pananalig at pag-asa sa Diyos.

Ang ingay ng gabing yon ay biglang nabuhay; isang pampasaherong dyip na walang sakay kundi ang drayber ang lumabas mula sa may kanto. Ang sa umpisa nitong mahinang steryo ay lumakas ng lumakas habang papalapit sa kanila.

Yung kantang pamasko nilang naulanigan, sigurado sikat yun nung mga bata pa sila. Ngunit ang mensahe parang gumuhit sa damdamin ng mag-asawa ng magkatinginan sila. Nagpa-alaala ang Diyos!

“Dinggin ninyo ang buong bayan, pamasko ang awitan, Laganap ang kasayahan, May galak ang sandaigdigan, Dukha man ang ating buhay, Tayo’y dapat magdiwang, Tayo ay magpasalamat sa taglay nating buhay, sa araw ng Pasko, iwaglit ang lumbay…” Malakas, hanggang sabay na lumipad at nilamon ng hangin ang likiro sa paglagpas ng sasakyan.

“Papa!” ang ingit ng naalimpungatang si Jet. Hinawi ang nakatalukbong na kumot sabay lundag sa ama. “Papa…Papa, nagugutom na ako, kain na tayo prayd tsiken!”

Nagkatinginan at ngumiti ang mag-asawa sa isa’t isa. Naupo si Jet sa hita ng ama habang pinilipit ni Jessa ang hita ng Andok at isinubo sa takam na takam na anak. Sumabay na rin sa pagkain ang mag-asawa matapos mag-usal ng pasasalamat.

Alas dos ng madaling araw - dalawang oras makalipas ang oras ng pagsilang ni Hesu-Kristo, sa munti nilang karitong-bahay, ang malumanay nilang hinga at sabik na nguya ng anak ang tanging ingay, ngunit sa puso nila: ang nagsusumigaw na pag-asa.

Ang munti nilang tahanan ay nabalutan ng kapayapaan; walang tahol ng aso at ni sagitsit ng tsinelas sa kalye…

” ‘Twas the night before Christmas, when all through the house, not a creature was stirring, not even a mouse…”

COPYRIGHT RESERVED TO THE AUTHOR. PERMISSION REQUIRED TO REPRODUCE.

0 comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Concepteurs web

About Me

My photo
Although the author has no professional writing credential nor an all-embracing traveling experience, it is the inspiration drawn out from lives surrounding him as well as sharing his works with readers that make him enthused about writing; his occasional travel - often spontaneous, inspires him to pen such adventure. He currently lives in western Canada with his wife. ***COPYRIGHT TO ENTRIES RESERVED EXCEPT OTHERWISE INDICATED***
Powered by Blogger.

Bansa ng mga bumisita sa blog

free counters

Followers